Feeds:
Posts
Comments

Archive for the ‘poetry’ Category

Tinitingnan nila ako

Habang nakapiring ang kanilang mata
Tinitingnan mo ako
Habang ang pangil mo’y nakahanda
Manhid sila sa katotohanan
Nalulunod sila sa kasinungalingan

Tao ka ring maituturing
Alam ko ang pag-asang sa’yo ay aking itinanim
Ang binhi ng himagsik sayo’y tumutubo
Putulin mo ‘yan
‘Yan ang papatay sayo
Traydor ang iyong kakayahan
Kakayahan, kaligayahan, karapatan, katapatan,
Kamatayan. Kalayaan?

Hindi ka nag-iisa
Ngunit hindi ka nila sasamahan
Kalokohan lamang ang aking pagpigil
Alikabok at kaluluwa
Tanggap mo na kung ano ka
Ikakasa mo ang baril, isang araw
Itututok mo sa bibig mo
Ngunit nasa daliri ng iba ang gatilyo
Mamamatay kang nakangiti, naliligo sa dugo

Habang inaangat ka
Ng mga anghel ng kalangitan
Malalaman mong mapalad ka
Mapalad ka pagkat maaga mong nalaman
Na nalalason ang iyong mundong ginalawan
At akala mo’y nahanap mo ang gamot,
Ikaw.

Nakangiti kang umaangat
Habang nakangiti silang naka-tango sa iyong bangkay
Umiinom ng alak, kumakanta, nagsasaya
Pagkat sa kanilang mga mata
Ang lason ay ikaw.

Read Full Post »